Sir, Boss, Mam
“Good Morning Sir” ang unang maririnig mo sa mga sekyu pagpasok mo sa department store. “Can I have your order, Sir?” sabi naman ng bata sa counter ng Jollibee. Lahat naka-“sir”, naka-“mam”.
Eto ang isang pagkakaibang napansin ko dito sa NZ. Sa office environment, o maging sa casual na paguusap, walang nagtatawagan ng Sir, Mam, o Boss kahit na ang kausap mo pa ay ang CEO ng kumpanyang pinapasukan mo. Lahat ng tawagan, mostly first-name basis. Sa mga pormal na okasyon naman, Mr, Miss or Mrs followed by the person’s last name ang gamit na tawagan.
Nung una-una ako dito medyo ilang akong tawagin ang boss ko na walang Sir. Kaya lang dito kasi ang Sir o Mam, ginagamit lang sa mga taong naparangalan ng knighthood ng Queen of England. Ang halimbawa si Sir Elton John. May “Sir” siya sa unahan ng pangalan niya kasi binigyan siya ng knighthood ni Queen.
Wala rin boss-boss dito, in the sense na katulad sa atin. Sa atin kapag boss ka, may taga-timpla ka ng cape, taga bili ng pagkain mo, kulang na lang pati paghugas ng pwet mo, iutos mo pa. Dito, kahit ikaw pa ang may-ari ng kumpanya, wala kang mauutusan para gawin ang iyong mga personal na pangangailangan. Yun ngang may-ari ng supermarket na pinapasukan ni Jean, makikita mo kung minsan tumutulong siya sa pag-refill ng mga stocks. Kung minsan nama’y nagpupunas ng flooring. Parehas lang ang estado sosyal ng employer at employees.
Sa aking pananaw ang paggamit ng mga pagbating nabanggit ay isang manipestasyon ng ating peudal na nakaraan. Dahil sa matagal na pagsakop sa atin ng mga banyaga nasanay tayo sa buhay na may master at may servant. Naging normal sa ating kamulatan ang isiping may iba’t-ibang antas ang lipunan. May mga makapangyarihan at may mga tagasunod lamang.
Eto ang isang bagay na kakaiba sa NZ (at maging sa ibang mauunlad na bansa). Ang kamulatang pinalalaganap ay ang pagiging pantay-pantay lahat ng tao. Kung sabagay, wala naman kasing ibang bansang sumakop sa NZ, kaya wala rin sa mentality nila ang notion ng master at slave. Kaya kung mapapunta ka dito at may tumawag sa yong Sir, Mam, Bossing, asahan mo, walang paltos Pinoy yon. Tama ba Bossing?