May nag-request sa akin (sori, nakalimutan ko na kung sinoman ikaw) na sumulat daw ako tungkol sa office culture ng mga kiwi. Mahirap mag-generalize kasi iilan pa lang naman ang napasukan kong opis dito. Ang maibabahagi ko lang yung sarili kong ekspiryens sa IT company na aking pinapasukan.
“Relaxed” is the best word I could think of to describe my everyday office life. But depending on your presonality, you can also say “boring”, “routine” or “stress-free”. To illustrate, let me recount to you my typical work day.
Dumarating ako between 8 and 9 AM. Walang fixed na oras. “Flexitime” kung tawagin dito. Pwede akong pumasok anytime, basta kailangan lang maka 8.5 hours (7.5 hours work plus 1 hour break) a day. Kapag late akong pumasok, late din and uwi and vice versa. Madalang pa sa patak ng ulan akong mag-over-time.
Dun sa dati kong pinapasukan, parati akong naka long sleeves with tie. Pero dito sa bago, long sleeves lang, no tie.
Kapansin pansin ang malaking pagkaka-iba ng mga opis dito kumpara sa atin. Hindi magulo kasi kokonti lang ang mga empleyado. Sa team nga namin, anim lang kami, kasama na doon ang manager. At majority ng mga empleyado namin over 30 years old. Siguro dahil may idad na ang karamihan, ang mga kilos nila pormal, hindi kilos bata. Bihira ang naghahagapakan sa tawa at nagkukwentuhan at nagbibiruan ng malakas. Taboo dito ang kahit anong green jokes. Umiiwas lang at baka ma-accuse ng sexual harrassment.
Mahirap makilala sa itsura o pananamit kung sino ang bossing at hindi. Wala rin nagtatawagan ng
Boss, Mam o Sir, lahat by first name basis lang. Ako, ang mga binabati ko lang yung mga malapit sa mesa ko at yung mga kasama ko sa team. Bihira akong makipag-tsikahan sa iba. If ever, short chat lang. Ang usual na tsika namin ganito:
“So how’s your weekend?”
“Not too bad, and you?”
“Same-o, same-o”
“See ya later, bye”Tapos ang usapan. Ang hirap yatang mag-Ingles, ano? Bakit ko pahihirapan ang sarili ko, di ba?
Pagdating sa opis, diretcho ako kaagad sa sariling cubicle na may L-shaped na mesa, sariling telopono, computer at mga drawers. Magla-logon sa computer at umpisa na akong magtrabaho.
Wala din oras ang breaktime dito. Anytime pwedeng pumunta sa kitchen. May libreng cape, tsaa o Milo. Lunch time is anytime after 12 noon. Yung iba bumibili sa canteen o kaya kumain sa labas. Yung iba, hindi mo man mapapansin nagla-lunch. Dahil isang mansanas lang pala lunch na sa kanila. Ako, pinagbabaon ako ni esmi ng dalawang sandwich, na may kasamang saging at isang apple. Kung suswertihin pwede rin may kasamang muffin, cake o chocolate bar para sa snacks. At sa aking cubicle lang ako nagla-lunch. (Paalala nga pala, bago ko malimutan. Kung magbabaon ng rice, siguraduhin lang na hindi maamoy ang ulam, at baka kapag ni-microwave umalingasaw ang sangsang. Kakahiya yon!).
Kung ikukumpara ko nga sa naging opis environment na dinanas ko nung ma-assign ako ng ilang buwan sa Pilipinas, masasabi kong boring ang opis layp ko sa NZ, dahil sa Pinas may action, drama at comedy. Showbiz na showbiz.
Sa Quezon City ako na-assign upang turuan ang pagkadami-daming computer programmers na noon ay nag-po-program ng computerization ng driver's licenses sa Pinas. Pagdating ko sa opis ng bandang 8AM andoon na rin ang karamihan ng mga programmers. Mostly mga bagong graduates pa lang sa college. Siguro average age nila nasa 25 years lang.
Dahil halos puro mga kabataan, masisigla sila. Pagdating sa umaga, tsika-tsika. Meron na diyan magkukumpulan, magkukwentuhan at magtatawanan ng malakas. May mga magkasintahan na maghaharutan at mag-iiyakan habang ang iba nama’y magtutuksuhan. May mga pa-sosy na parating may bitbit na Starbucks coffee cup na walang alam pagusapan kung hindi yung mga gimmick nila nung nakaraang weekend. Sgurado ring may alaskador sa grupo at meron din naman yung peborit na ina-alaska.
Alas nuwebe na wala pa talagang nauumpisahang trabaho. Mag-start lang ang tunay na trabaho kapag dumating na ang mga bossing. Alam mong may dumating na bossing kasi mauuna yung security guard bitbit yung laptop ni Sir o ni Mam. Si Sir o Mam darating, naka-isputing. Naka-skirt si Mam with matching blazer. Si Sir naman naka barong tagalog o kaya puting long sleeves with tie.
Papasok ang mga bossing sa mga sariling kwarto. Yung mga assistant ng bossing may mga sariling cubicle. Kami namang mga programmers, halos nagkakasikuhan na, na nakahilera ang mga computer sa isang mahabang mesa.
9:30 breaktime. Pagbalik sa trabaho roronda na yung aleng nagtitinda ng lunch para kunin ang aming mga order. Bago mag alas-dose, darating ang in-order na lunch na naka styrofoam at may kasamang softdrinks lulan plastic na may straw. Lista muna yon. Sa sweldo na ang bayaran.
Pagkatapos ng pananghalian, papatayin ang mga ilaw para makapag-siesta ng kalahating oras. Ala una, back to work na naman para mag-merienda uli sa alas-tres ng hapon. 5 pm normally uwian na, pero kapag maraming trabaho, over-tawad, kaya kung minsan gabi na ang uwi. Kapag nagtawag ka ng meeting, asahan mong half hour bago makompleto lahat ng attendees.
Nakaka-miss din ang opis layp sa atin. Yun bang magulo na masaya. Organized chaos kung baga. Ang isang tunay na kapansin-pansin sa atin, ang mga Pinoy mas-palangiti, masayahin.